Linya ng kuryente, posibleng sanhi ng sunog sa Masipag
Photos courtesy: Jaypee Daco
Ni Rodolfo Idusora
Tinitingnang anggulo ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa ang linya ng kuryente na isa sa mga posibleng pinagmulan ng sunog na tumupok sa ilang kabahayan sa Bonifacio Street, Barangay Masipag, nitong gabi ng Lunes, Oktubre 5.
Ayon sa ahensiya, hindi pa pinal ang resulta ng imbestigasyon at patuloy pang inaalam ang eksaktong pinagmulan ng apoy.
Natukoy na ng mga bombero ang bahay kung saan nagsimula ang sunog bago mabilis na kumalat at nadamay ang mga katabing bahay.
Tinatayang nasa 51 pamilya ang naapektuhan ng insidente.
Naiulat na nagtamo ng paso at sugat ang 63-anyos na residente bunsod ng sunog.
Ayon kay SFO1 Paulo Lumanang, spokesperson ng BFP Puerto Princesa, fully developed na ang apoy nang dumating ang mga bombero, dahilan para maging mahirap ang agarang pag-apula nito.
Tumagal nang mahigit isang oras ang operasyon bago tuluyang makontrol ang sunog.
Isa sa naging problema ng mga bombero ang makitid na daan patungo sa lugar, na nagpahirap sa pagpasok at pagmamaniobra ng mga fire truck.
Patuloy ang assessment ng BFP sa lawak ng pinsala habang hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang natupok.
Samantala, isinasagawa pa ang karagdagang imbestigasyon upang matukoy kung electrical wiring nga ang naging sanhi o kung may iba pang pinagmulan ang sunog.
Patuloy rin ang koordinasyon ng mga awtoridad para sa pagtukoy sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng insidente.