Ninakawan habang natutulog
Photo courtesy: Bea Bayaca Lauron Garcia
Ni Rodolfo Idusora
Hindi pinatawad ng binatilyo ang natutulog na rider nang tangayin nito ang mahahalagang gamit.
Nakatulog ang motorista habang naghihintay ng booking sa Barangay Sta. Monica, Puerto Princesa City, dakong 3:40 ng madaling-araw sa kahabaan ng national highway sa lugar.
Sa Facebook post ni Bea Bayaca Lauron Garcia, naghihintay ng booking ang kanyang asawa nang makatulog ito habang nakaparada ang motorsiklo. Isang lalaki umano ang lumapit sa drayber saka kinuha ang kanyang mga gamit.
Kabilang sa mga nakuha ang belt bag na naiwan sa motorsiklo. Ayon sa nag-post, naglalaman umano ito ng mahahalagang identification cards at iba pang personal na gamit ng biktima.
Maging ang helmet ng driver ay kinuha rin umano ng suspek bago ito umalis sa lugar.
Sapul sa installed closed circuit television (CCTV) camera ang pagtangay ng suspek sa mga gamit ng biktimang rider.
Nais mabawi ng biktima ang kaniyang mga identification card na sinasabing mahalaga para sa kanyang mga transaksiyon sa araw-araw.
Pinayuhan din ang mga rider at drayber na huwag iwanang walang bantay ang kanilang mga personal na gamit habang naghihintay ng booking, lalo na sa gabi at madaling-araw.
Patuloy naman ang panawagan ng pamilya sa sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa kanila o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.