Pailaw sa Acacia Tunnel
Photo courtesy: Lucilo R. Bayron
Ni Joana Pacquing
“Huwag maliitin.” Ito ang naging pahayag ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron sa pagpapailaw ng kahabaan ng Acacia Tunnel sa Barangay Inagawan at Barangay Inagawan Sub noong gabi ng Huwebes, Hulyo 30.
Sinabi ng alkalde na bahagi ng patuloy na pagpapaganda ng lungsod at pagpapalakas ng turismo ang pagpapailaw sa lugar.
“Hindi natin dapat maliitin ang maliliit na proyekto, dahil ang bawat bagong atraksyon ay nagdaragdag ng dahilan para piliin ng mga turista ang Puerto Princesa,” pagbibigay-diin ni Bayron sa kaniyang talumpati sa harap ng daan-daang dumalo sa switch-on ceremony ng panibagong atraksiyon.
Ani Bayron, ang pagtangkilik at pagbuo ng mga lokal na produkto, pagkain, at iba pang serbisyo ay makatutulong sa kabuhayan ng mga residente sa lugar. May humigit-kumulang sampung (10) vendor sa Inagawan Acacia Tunnel Park CBST na nagbebenta ng pagkain, inumin, damit, at mga souvenir item para sa mga dumaraang bisita.
Nananawagan naman si Bayron sa Puerto Princesa City Tourism Office na magsagawa ng talakayan kasama ang Inagawan Acacia Tunnel Park CBST upang alamin ang mga programang makatutulong sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan sa lugar.
Binigyang-diin din ng alkalde na nararapat na makiisa ang lahat sa pagpapakilala ng Acacia Tunnel sa pamamagitan ng social media upang mas marami pang makaalam at bumisita sa lugar.
“Nawa ang liwanag na ito ay maging simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at sama-samang pagtutulungan para sa mas maunlad na Puerto Princesa,” pahayag niya.