Ni Samuel Macmac
Umabot sa apatnapu’t walong (48)mjyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa MIMAROPA ang sumuko sa patuloy na pinaiigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) kontra kriminalidad.
Batay sa tala, boluntaryong sumuko ang kabuuang 48 dating kasapi ng makakaliwang grupo mula Enero 1 hanggang Hulyo 2, 2026, kasabay ng kanilang pagsuko ang iba’t ibang armas sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon.
Sa pinakahuling tala ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA, pinakahuling insidente ng pagsuko na naganap noong Hulyo 2 sa Oriental Mindoro kung saan isang CTG member ang nagbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng 2nd Provincial Mobile Force Company. Buko sa pagsuko ng isang .38 caliber revolver, pinagkalooban din ang nasabing indibidwal ng grocery at pinansyal na tulong bilang suporta sa kanyang pagbabalik sa komunidad.
Matatandaan, dalawang CTG member ang sumuko noong Hunyo 29 sa magkahiwalay na operasyon sa Oriental Mindoro at Occidental Mindoro. Isa sa kanila ay dating Vice Squad Leader ng Sandatahang Yunit Propaganda (SYP) na nagbigay ng homemade shotgun matapos magpasya na iwan ang armadong pakikibaka. Batay sa debriefing, sumali siya sa underground movement noong 2019 bago tuluyang pumili ng mapayapang reintegrasyon.
Dagdag pa ng PNP, kabilang sa 48 na sumuko ang isang personalidad na nasa Periodic Status Report (PSR). Binigyang-diin ng pulisya ang mga pagsuko ay bunga ng tuluy-tuloy na operasyon ng mga awtoridad katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders na nagtutulungan sa ilalim ng whole-of-nation approach para wakasan ang lokal na armadong tunggalian.